Hinggil sa pag-ibig at ilang bote ng beer

Dumiretso kami ni A kung saan kami madalas magnakaw ng saglitang inom sa pagitan ng mga klase namin. Tipikal ang mga ganitong hapon para sa aming dalawa, kapag tapos na parehas ang mga klase o di kaya’y ayaw lang pumasok ng isa. Doon sa lugar na iyon, tulad ng tatlong linggo nang paglipas ng mga hapon, kami nagpatila ng ulan dahil kapuwa walang mga payong. Nasa bukana pa lang kami’y sinenyasan na kami ng kahera. Alam na niya kung anong pakay namin. Agad niyang nilabas ang dalawang malamig na bote ng beer.

Habang nagpapatila ng ulan at nalalango sa kuwento ng isa’t isa, hindi namin naiwasang pag-usapan ang pag-ibig. Bakit nga ba umiibig ang tao? At bakit ito integral sa pagiging tao ng tao? Bakit ang ilang simpleng bagay tulad ng sabon ay maaaring pag-awayan ng magkasintahan hanggang sa magkahiwalayan? Bakit ang ilan ay pumipiling makipagrelasyon sa dalawang tao imbis na sa iisa? Bakit minsan, ang mga magulang ang nagdidikta sa kung sino dapat ang mahalin pagkat ang turing sa mga anak ay investment, atbp. Tumungo ang pag-uusap namin sa paglalatag ng mga batayan ng pagmamahal sa paniniwalang ang pag-ibig ay isang uri ng pagpili; at ang esensyal na pinagkaiba nito mas functional na sipat sa pagkikipagrelasyon upang magkaroon lamang ng mga supling. Ika ko, mahalaga ang pag-ibig bilang pundasyon ng isang relasyon at ito ang madalas makaligtaan ng mga nag-iibigan—ang maglatag ng mga kongkretong batayan kung bakit mahal ng isang tao ang isa pa at kung bakit kailangan pang lumabas ng tao sa kaniyang sarili kahit na walang kasiguraduhan ng pagsalubong sa kaniyang paglabas. Lagpas sa mas romantiko-liberal na mga pahayag ng libre’t malayang pag-ibig, pagmamahal na walang limitasyon at minsa’y walang depinisyon, natunton namin na ang pag-ibig ay walang katapusang pakikipagsalubong, pakikipagbuno sa buhay ng isa pang taong walang kasiguraduhan kung nariyan pa rin kinabukasan.

Sa huling nabanggit, bumalik ako sa aking mga muni-muni apat na taon nang nakalipas, noong mga panahong walang kakapitan ng paniniwala kundi luray na mga damdamin. Naniwala ako noong ang mga tao ay mga partikula ng unibersong autonomous sa isa’t isa. Na ang mga buhay at bagay ay hindi naman talaga magkakaugnay, ito’y umiinog sa walang katapusang kawalan ng katuturan at kaguluhan kung kaya ang pag-ibig ay isang kahunghangan. Dalawang taon ang nakalipas, itinapon kong lahat ng mga muni-muning ito pagkat binuo na sa sarili ang tapang ng paninindigan laban sa kawalan ng kahulugan. Kung ang pag-ibig ay walang saysay, ito na marahil ang pinakamasarap na kawalan ng saysay.

Pagkatapos ng tatlong bote’y napunta na ang usapan kay Zizek, bagaman internal pa ring nakatanikala sa lasing na usapang pag-ibig. Nabanggit ko kay A na ang pag-ibig ay isang “event” ayon kay Zizek. Ayon sa kaniya, An event can be an occurrence that shatters ordinary life, a radical political rupture, a transformation of reality, a religious belief, the rise of a new art form, or an intense experience such as falling in love. May katotohanan sa mga salitang ito, ngunit hindi ako kumbinsidong ang pag-ibig ay nagsisimula at natatapos sa pagiging event. Taliwas sa sinasabi ni Zizek kung saan tila walang ahensiya ang isang indibidwal sa pwersa ng event, aking binigyang diin at binalikan ang pag-ibig bilang ultimatong pagpili pa rin, dahil ang “falling in love” ay walang praktikalidad at masyadong lutang bilang kaisipan. Oo, ito ay radikal na pagbabago sa isang kaayusan ngunit ang atraksyon sa kapuwa ay tatagal lamang ng ilang taon, buwan, araw o segundo sa ilan kung wala itong mga batayan. At lumabas na nga ang espirito ng alak sa aking dila, sinabi nitong ang pagpili sa patuloy na pag-ibig ay isang aktong politikal. Ito ay paggigiit sa espasyong di pansarili lamang, ito ang pinakapayak na pakikialam sa polis ng isang lipunan. Nasa event ang kadalisayan ng encounter, ngunit pagkatapos ng event mapapatunayan ang katotohanan ng pag-ibig. Kumbaga, nasa kanlungan ng after party ang tunay na pag-ibig kung saan pumipili tayong magmahal araw-araw kahit pa, tulad ng nasabi na, walang kasiguraduhan kung iniibig at iibig pa rin ba kinabukasan. Dito marahil kumakandirit ang kiliti ng pag-ibig sa pang-araw-araw, kung saan namamayani ang kalooban nasa huwisyo man o lango sa kalasingan.