Mga byahe ng isip

Bukod sa madalas magsulat nitong mga nakaraang araw tuwing gabi, dahil ang umaga ay iginugugol upang isabay sa pagkilos ng sistemang nais itulak, madalas akong di nakakatulog sa tamang oras. Anu pa man, may isa pang bumabagabag sa akin, itong kagustuhang bumyahe sa mga karatig bansa ispesipiko sa timog-silangan ng rehiyon.

Una akong lumabas ng bansa noong 2007 patungong Hong Kong, pinakamalayong naabot ko tungong silangan ng Asya, pinaka-timog din ng silangan. Nagtanghal ng korning palabas, tumakas sa kumperensiya at nag-inom kahit menor de edad pa. 2009 na ang sumunod papuntang Singapore, isa sa mga nangunguna sa karera ng  Timog Silangang Asya, para sa isang exchange program sa Singapore School of the Arts. Bata pa ako noon at di ko pa masyadong naintidihan na binhi iyon ng ASEAN integration sa bahagi ng mga batang iskolar ng arte’t literatura. Mas tumatak sa akin iyong durian creme puff na mabaho pero masarap.

Noong bumalik ako doon noong 2013, medyo mas may kuwenta na akong mag-isip, ganun pa rin yung mga usap-usapan nila sa art. Naghahanap pa rin ng “genuine” at “national” practice habang dine-deny ang rasismo at pangunguna ng makauring interes. Common themes pa rin sa Gillman Barracks, halimbawa, ang mga imahen ng dekolonisasyon, cultural hybridity, at kagustuhan ng mga artist na umatras sa gubat dahil sa kawalan ng identidad ng globalisadong syudad.

Nitong nakaraang 2015, sa Malaysia naman ako napadpad. Di gaya ng Hong Kong at Singapore na relatibong maliliit na tipak ng lupang naiikot ng mahigit 3 oras, nakapunta ako sa dalawang rehiyon ng Malaysia. Isa sa sentrong syudad ng Kuala Lumpur, at isa sa Kuching, Sarawak na parang Cebu nila kung ikukumpara sa laki, pulitikal na impluwensiya at init dito sa Pilipinas. Dumalo naman ako doon ng kumperensiya ng mga katutubo para iparating ang sitwasyon ng mga katutubong kabataan sa Pilipinas.

At ito nga, ngayong 2016, gusto kong bagtasin itong Cambodia at Thailand. Una sa Siem Reap, upang makita ang mga templo at bumili ng mga libro; tapos ay sa Bangkok. Sa gitna ng dalawang byahe, baka balikan ang mga kaibigan sa Kuala Lumpur dahil may ilang oras na pagitan bago ang mga connecting flights. Sa pagkakataong ito, gusto ko lang bumyahe ng walang gagawin kundi bumyahe, at maging selebrasyon ang pagbyahe sa nalalapit na kaarawan. Pero noong kinompyut ko ang magagastos e natawa na lang ako dahil halos isang buong sem ko na ito sa Diliman kung sakaling mag-MA ako doon.

Iniisip kong ring ipagpaliban ito hanggang next year, sa panahong minamarkahang “quarter life” ng marami, at hagipin na rin ang mga bansang plano ring bisitahin tulad ng India at Vietnam para damhin sa mga kalsada’t poste, pakinggan sa garalgal ng naalimpungatang syudad sa umaga, at amuyin sa hanging lumipas at paparating, ang mapupula nilang kasaysayan.